AI Ginagamit na sa Panloloko sa Dating Apps, Babala ng mga Awtoridad
Sa ulat ng CICC, ginagamit ng mga scammer ang automated conversations upang magmukhang totoong tao ang kausap, pati na rin ang AI-generated photos at AI-assisted video calls para mas mapaniwala ang kanilang mga biktima. Dahil dito, mas mahirap nang matukoy kung tunay ba o peke ang taong nakakausap online.
Batay sa datos ng CICC, nakapagtala na sila ng 123 pormal na reklamo kaugnay ng love scams mula taong 2025. Hindi lamang emosyonal na panlilinlang ang dulot ng mga insidenteng ito, kundi nauuwi rin sa mas malalaking panloloko gaya ng cryptocurrency scams, pekeng forex trading, at umano’y gold investments.
Bilang tugon, nakatakdang maglunsad ang CICC ng isang malawakang digital literacy campaign ngayong Pebrero. Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga bagong uri ng online scams at turuan ang mga netizen kung paano maging mas mapanuri at ligtas sa pakikipag-ugnayan sa digital platforms.
Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa pakikipagkilala online at agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad upang maiwasan ang pagiging biktima ng AI-powered scams.
— via Crystal Ramizares, IBC News