Fire volunteer group rumesponde sa inakala nilang sunog sa Maynila
Nasayang ang oras at puwersa ng ilang fire rescue team matapos umanong makatanggap ng pekeng ulat tungkol sa isang nasusunog na sasakyan sa Barangay 20, Parola Compound, Tondo, Maynila nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Barangay Chairman Samuel Fenix, na nagsisilbi ring fire chief ng Recto Engine, isang mensahe mula sa kanilang social media follower ang nag-ulat ng insidente bandang alas-10 ng umaga, kalakip ang litrato ng isang truck na umano’y nilalamon ng apoy.
Dahil dito, agad na rumesponde ang Recto Engine kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Nicolas Fire Station at isang fire truck mula sa Barangay 275. Gayunman, pagdating sa lugar ay nadiskubre nilang wala namang nagaganap na sunog at maayos ang kondisyon ng nasabing sasakyan.
Kalaunan, napatunayan na ang ipinadalang larawan ay edited o peke, dahilan upang magdulot ng maling alarma sa mga awtoridad.
Dahil sa insidente, nakipag-ugnayan na ang grupo sa Manila Police District–Anti Cybercrime Group upang matukoy kung sino ang responsable sa panlilinlang.
Samantala, muling nagpaalala ang BFP na ang pagbibigay ng false alarm ay paglabag sa Fire Code of the Philippines. Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱50,000.